Anim na manunudla ang sumira sa POC-PSC SEA Games individual bronze medal criteria na itinakda para sa preparasyon sa Kuala Lumpur biennial games ngayong Setyembre.
Tinabunan ni Carolino Gonzales ang criteria set sa free pistol event nang umasinta ng 556 puntos. Ang bronze medal criteria ay 548.
Pinangunahan naman ni Nathaniel Tac Padilla ang rapid fire elimination sa kanyang tinudlang 576 puntos na may siyam na puntos na agwat sa bronze medal standard na 567. Tinabunan din ng papasikat na si Carlos Medina ang criteria sa kanyang pinatumbang 570 puntos.
Tatlong mamamaril, dalawang lalaki at isang babae ang nagpakita rin ng impresibong performance sa kani-kanilang events.
Lumayo lamang ng isang puntos si Julius Valdez kay Danilo Castillo sa kanyang itinalang 588 kontra sa 587 ng huli at ang standard set ay 583.
Nalampasan din ni Rasheya Jasmin Luis ang standard set sa sport rifle prone sa kanyang 584 puntos at ang SEA Games bronze medal score ay 580.
Tatlong koponan--ang air pistol team para sa lalaki, rapid fire at sport rifle para sa babae ang nawasak rin ng criteria set ng task force.
Umiskor ang troika nina Gilbert Escobar, Marcelo Gon-zales at Carolino Gonzales ng 1700 puntos upang umangat ng 11 puntos sa 1689 set.
Tumudla ang rapid fire team nina Padilla, Medina at Inocentes Dionesa ng 1703 puntos upang tabunan ang 1656 criteria set.
Winasak din ng koponan nina Luis, Leilani Santiago at Marilu Samaco ang 1721 POC-PSC standard set nang umiskor ng 1736 puntos sa sport rifle event.