Umiskor ng krusiyal na basket si Davonn Harp at nagmintis naman sa huling posesyon ang Alaska na siyang nagkaloob sa Thunder ng ikatlong sunod na panalo sa 4 na laro.
Bagamat eksplosibong laro ang ipinamalas ni Kenneth Duremdes na tumapos ng 24 puntos, hindi naman sinamantala ng Aces ang pagkawala ni Mick Pennisi na walong minuto lamang naglaro nang ma-sprain ito.
Naglaho ang 68-56 pangunguna ng Alaska nang pakawalan ng Red Bull ang 15-2 run kung saan umiskor ng 8 sunod si Lowell Briones upang agawin ang kalamangan sa 71-70 matapos ang basket ni Junthy Valenzuela.
Agad namang nabawi ng Aces ang bentahe 72-71 matapos ang basket ni Duremdes ngunit naagaw ng Red Bull ang trangko nang pumasok ang layup ni Harp mula sa pasa ni Ato Agustin.
Nabigong agawin ng Alaska ang panalo nang pumaltos ang long jumper ni Rodney Santos hang-gang sa maubos ang oras sa pag-aagawan ng looseball.