Celles, nag-resign bilang PSC Commissioner

Upang makaiwas sa higit na kahihiyan bunga ng mga balitang pagkasangkot sa ilang kontrobersiya, nagbitiw bilang Commissioner ng Philippine Sports Commission si Leonardo "Boy" Celles.

"Nag-resign na ako para hindi na mahirapan pa ang mga kalaban ko na ipatanggal ako," pahayag ni Celles, ang appointee ng napatalsik na si Pangulong Joseph Estrada. "Ayoko ring madamay pa ang pamilya ko sa gulong ito.

Pormal na ibinigay ni Celles ang kanyang courtesy resignation sa Malacañang noong Huwebes ngunit kahapon lamang natuklasan ang dokumento.

Napabalitang nabigong maisoli ni Celles sa PSC ang P225,000 na nakalaan para sa paglahok sa softball tournament sa India noong nakaraang taon.

Ang naturang torneo ay nakansela ngunit matapos ang isang buwan, may isang tseke sa PSC Accounting office na nagsasaad na nabigong makapag-liquidate si Celles.

Nang mabatid ni Celles ang balita ukol sa naturang halaga, nangako si Celles na isasauli niya ito kaagad.

"Ibabalik ko naman kaya lang hinihintay ko pa na lumabas ang dolyar sa piso kasi nung nakuha ko ’yung pera, ipinapalit ko sa dolyar as traveller’s check," paliwanag ni Celles.

Kasalukuyang iniimbestigahan ng PSC ang mga tauhan ni Celles na sina Eugene Garcia at Jess Paulo Sta. Maria sa alegasyon na ang dalawa ay iligal na namigay ng sports equipment na pagmamay-ari ng PSC.

Sinabi ni PSC Chairman Carlos Tuason na hindi nito alam ang resignation ni Celles at sinabi nitong oobligahin niya si Celles na isauli ang naturang halaga.

"I have no information about this and if the reports are true, I will compel him (Celles) to return the money to the PSC," ani Tuason.

Minabuti naman nina Tuason at iba pang Commissioners na sina Ricardo Garcia, Amparo "Weena’ Lim at William "Butch’ Ramirez na manatili sa posisyon at hintayin na lamang ang desisyon ng bagong Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. (Ulat ni Joey Villar)

Show comments