Pumasa sa Immigration ang petisyong isinumite para makilala bi-lang isang mga Pilipino sina Jeremy Aquino Aniciete, 22-anyos; David Matthew Friedhof, 23-gulang; John Hartley Ward Arigo, 22-anyos at ang 21-gulang na si Michael Allen Pasana Hrabak.
Ayon kay immigration Commissioner Rufus Rodriguez, kinilala ang apat na foreign cagers makaraang makapagpakita ang mga ito ng sapat na katibayan na isa sa kanilang mga magulang ay isang Pilipino ng mapanganak ang mga nasabing manlalaro.
Ngunit sinabi ni Rodriguez na kailangan pang maaprubahan ang nasabing recognition orders ni Department of Justice Sec. Artemio Tuquero bago maibigay ang kani-kanilang mga certificates na kikilala sa mga naturang cagers na sila’y may dugong Pilipino.
Sa dokumentong isinumite ni Aniciete, ito ay ipinanganak sa Chicago, Illinois noong Oct. 13, 1978 ng kanyang mga magulang na sina Perla Aquino at Jesus Manuel Aniciete na pawang mga Pilipino.
Si Friedhof ay isinilang sa Idaho noong Hunyo 3, 1978 ni Nena Apaga, isang Pilipino at ang ama nitong si James Joseph Friedhof ay isang Amerikano.
Si Hrabak ay ipinanganak sa dating US military base sa Clark Air base noong Agosto 27, 1979 ng kanyang ina na si Mona Liza Pasana, isang Pilipina at ang ama nitong si Allen Hrabak Jr., ay isang dating US Air Force serviceman. (Ulat ni Jhay Mejias)