Mahigpit na kalaban ni Tuñacao, ang kasalukuyang World Boxing Council flyweight champion si Dorothy Delasin, nanalong top rookie ngayong taon sa star-studded US Ladies Professional Golfers Association para sa kasiyasiya at prestihiyosong award.
Kasalukuyang tinatalakay ng mga miyembro ng PSA, ang pinakamatandang sportswriting fraternity sa bansa kung sino sa dalawang atleta ang karapat-dapat na manalo ng naturang award. At kung sakaling magkaroon ng pagtatabla, pagsasaluhan nina Tuñacao at Delasin ang nasabing karangalan na ipagkakaloob sa Enero 18 sa Holiday Inn Hotel.
"Pero sana ako ang manalo dahil talagang ina-ambisyon ko din na maging Athlete of the Year kahit noon pa," wika ni Tuñacao na kasalukuyang nasa Mandaque City kung saan kanyang ipinagdiwang ang kanyang ika-23 kaarawan at ang pagsalubong sa bagong taon kasama ang kanyang asawang si Roda at dalawang anak.
"At isa pa, ako na lang po ang naiiwan na world champion natin sa boxing ngayon," dagdag pa ni Tuñacao." Mahalaga sa akin ang award na yan lalo na at may pinaghahandaan akong laban sa Thailand sa darating na February."
Inagaw ni Tuñacao ang WBC flyweight crown mula sa Thai boxer na si Medgeon Kratindaeng sa kaagahan ng nakaraang taon, bago naidepensa sa kauna-unahang pagkakataon kontra Shoji Kobayashi ng Japan sa Tokyo noong nakaraang Agosto.
Nakatakdang bumalik ng Maynila si Tuñacao na nagtitrain sa Aldeguer Gym sa Mandaue kasama sina dating WBA minimumweight champion Joma Gamboa ngayong Linggo para sa kanyang final phase ng preparasyon para sa susunod na pagtatanggol ng kanyang korona sa Feb. 15 kontra sa isa pang Thai fighter.
Nakatakda namang tanggapin ni Delasin ang kanyang LPGA award sa susunod na Linggo sa Amerika, na siyang kinukunsidera para sa prestihiyosong PSA Athlete of the Year plum bunga ng kanyang mahusay na performance ngayong taon na tinampukan ng kanyang panalo sa Giant Eagle Classic noong nakaraang Hulyo.
Ang 20-anyos na si Delasin ang nahirang na pinakabatang manlalaro na nanalo ng LPGA event pagkatapos ni Hall of Famer Amy Alcott na nanalo sa Orange Blossom Classic noong 1975.
"Nababasa ko din siya (Delasin) sa mga diyaryo at magaling ngang mag-golf. Kaya puwede na din kung kaming dalawa ang mananalo ng award. Kung siya ang mananalo, masakit para sa akin," wika pa ni Tuñacao.