Korona ng Manzano Cup ibinulsa ni Alpuerto

Kinailangan ng top seed na si Jasper Alpuerto ng deciding set bago niya tuluyang mapayukod ang second pick na si Kyle Dandan, 6-1, 4-6, 6-4 kahapon at ibulsa ang korona sa boys’ 12-under class ng third Armando Manzano Cup sa Rizal Memorial Tennis Center.

At sa boys’ 18-under division, sinibak naman ng top seed nasi Johan Guba ng La Salle ang No. 5 na si Emerson Ocampo ng San Beda, 6-3, 7-6 (3) upang umusad sa finals kontra No. 4 Ghandi Matunog na nanaig naman kay John Rey Moreno, 3-6, 6-4, 6-3.

Humakbang din sa susunod na round ang nakababatang kapatid ni Johan na si Yannick, ang No. 4 seed sa 16-under plum matapos na hatakin ang 6-1, 6-1 pamamayani kontra Jandrick de Castro at kanyang makakasagupa ang No. 1 na si Christian Cuarto na nanalo naman kontra Patrick John Tierro, 7-5, 6-1.

Sa iba pang resulta, pinabagsak ng No. 1 na si Os-waldo Dumoran ang No. 3 na si Janjie Soquino, 7-6 (1), 7-6 (5), habang naglatag naman ng malaking rally ang No. 4 na si Nestor Celestino Jr., upang maungusan ang No. 2 na si Nico Riego de Dios, 6-4, 3-6, 7-6 (6) at ipuwersa ang kanilang titular showdown sa 14-under category.

At sa kababaihan, naokupahan ng No.1 na si Czarina Mae Arevalo ng Ilocos Norte ang isang puwesto sa finals makaraang igupo ang No. 3 na si Charise Godoy ng Tangub, 6-3, 6-2.

Ginapi rin ng No.2 na si Deena Rose Cruz ang huling finals slot matapos na patalsikin ang No.4 na si Julie Ann Cadiente, 6-3, 6-2 sa girls’ 18-under class.

Show comments