At ito ay walang iba kundi si Allan Ballester ng Philippine Navy makaraang maungusan ang multi-titled na si Roy Vence sa huling 500m ng kanilang duelo sa 42K marathon kahapon.
Determinadong makagawa ng marka at makabilang sa honor roll ng mga kinukunsiderang national marathon champions ng bansa, hindi ininda ng 22 anyos na si Ballester ang pananakit ng kanang binti na sanhi ng pulled muscle upang mapagwagian ang kanyang unang Milo Marathon title.
"Worried ako kagabi pa dahil may nararamdaman ako sa binti ko, pero hindi ako nagpahalata sa kanila na may iniinda akong sakit. Desidido kasi akong mag-champion dito sa Milo Marathon." pahayag ni Ballester na binaybay ang 42K distansiya sa oras na 2:25.53.
Tila naging personal na duelo ang karera para kina Ballester at Vence matapos ang 13K mark nang salitan silang manguna sa karera. "Sa last 500 meters, binakbakan ko, sabi ko bahala na kung maging grabe ang injury ko basta pipilitin kong manalo," dagdag ni Ballester na kinoronahan din ang sarili sa AFP Olympics half marathon champion noong naka-raang linggo.
Tumanggap ito ng halagang P75,000 bi-lang premyo.
Sa kababaihan, nagposte ng impresibong tagumpay ang defending champion na si Christabel Martes, ang pinakadominanteng road runner sa kasalukuyan, nang magtala ito ng panibagong Milo Marathon record na 2:53:58 at wasakin ang winning time ni Arsenia Sagaray na 2:56:53 para magreyna sa ika-24th edisyon ng karerang ito.
"Expected kong manalo at sa magandang time dahil malakas ang kundisyon ko, lumabas kaagad ako, wala nang sumunod," anang 21 anyos na nanalo din sa Metro Manila elimination, Avon 10K at Adidas 21K.