Ika-4 panalo target ng Montana at Shark sa PBL Challenge Cup

Ikaapat na sunod na panalo ang nais maisukbit ngayon ng Montana Pawnshop at Shark Energy Drinks sa kanilang pakikipagharap sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ng aksiyon ngayon sa 2000 PBL Challenge Cup sa Makati Coliseum.

Makakaharap ng Jewelers ang Osaka Iridology sa ikalawang laro, dakong alas-5:30 ng hapon pagkatapos ng engkwentro ng Power Boosters kontra sa Ana Freezers sa pambungad na laban, alas-3:30 ng hapon.

Ang Montana at Shark ay parehong nagtataglay ng malinis na 3-0 win-loss slate upang pagsaluhan ang pangkalahatang pamumuno kasunod ang walang larong Hapee Toothpaste na may 2-1 record.

Ang Freezer Kings ay kabilang sa three-way logjam sa 2-2 panalo-talo kasunod ang Iridologists na may 1-2 kartada.

Bagamat mas pinapaborang manalo ang Montana, may kakayahang makasilat ang bagitong koponan ng Osaka at ito ang pinag-iingatan ni coach Leo Isaac.

"They (Osaka) could vent their ire on us," ani Isaac. "After all, baka iba ‘yung motivation nila kapag top team ang kalaban just like what they did to Welcoat."

Kagagaling lamang ng Jewelers sa 68-63 pamamayani kontra sa Blu Sun Power at ito ang kanilang hangad na masundan upang manatili sa liderato.

Samanatala, inaasahang magiging inspirasyon naman ng Freezer Kings ang kanilang 54-53 pamamayani kontra sa Blu Sun Power sa larong ito.

Show comments