Negros Slashers babawi sa MBA Game 3

Sa pagdako ng aksiyon ng MBA National Finals sa Bacolod, umaasa ang Negros Slashers na magiging malakas ang intensidad ng kanilang laro sa tulong na rin ng mga home town fans.

Hangad ng Slashers na mapasakamay ang Game Three sa muli nilang paghaharap ng San Juan Knights dakong alas-6 ng gabi sa USLS Coliseum upang mapalawig pa ang kanilang best-of-seven titular showdown.

Sa kasalukuyan, mas mataas ang morale ng Knights na papagitna sa playing area na bitbit ang 2-0 bentahe sa serye.

Bukod sa suporta ng mga manonood, inaasahang lalakas ang opensa ng Slashers sa pagbabalik aksiyon ng injured na si John Ferriols na naka-recover na mula sa kanyang bali sa kanyang hinlalaki.

Bukod kay Ferriols, sinabi ni coach Robert Sison na nakagawa na siya ng alter-natibong paraan upang mapigilan ang malakas na frontline ng Knights at makaiwas sa pagka-sweep.

Siguradong pagtutuunan ng atensiyon ni Sison ang higanteng si Bonel Balingit na siyang nagpasakit ng kanilang ulo sa naunang dalawang laro.

"We have prepared defensive adjustments especially for Balingit, who killed us down low, like what we have already done with Chris Calaguio and Bruce Dacia in game Two," sabi ni Sison.

Show comments