Kapit ng Red Bull sa liderato ng PBA Governors' Cup pahihigpitin

Pananatili sa liderato ang hangad ng Sta. Lucia Realty at Batang Red Bull sa magkahiwalay na laro habang ipaparada naman ng Barangay Ginebra ang kanilang import sa pagpapatuloy ng eliminations ng PBA Governors Cup.

Kapwa ikatlong sunod na panalo ang target ng Realtors at Red Bull Thunder habang masusukat naman ang galing ngayon ng bagong saltang si Bryan Green na siyang makakaagapay ngayon ng Gin Kings.

Unang isasalang ang Sta. Lucia na nakatakdang sumagupa sa Tanduay Gold Rhum sa pambungad na laban sa ganap na alas-5:15 ng hapon sa PhilSports Arena.

Ngunit tiyak na aabangan ang engkuwentro ng Red Bull at Ginebra sa ikalawang laro bilang main game.

Si Green na nakatakdang sukatan ngayon bago sumagupa ang Gins kontra sa Thunder ay siyang pumalit kay Roy Hammonds na nakasama ng Ginebra sa kanilang dalawang sunod na pagkatalo.

Kasalukuyang magkasalo ang Realtors at Red Bull sa pangkalahatang pamumuno dahil sa kanilang taglay na 2-0 win-loss slate kasunod ang mga walang laro ngayong Purefoods TJ Hotdogs at Pop Cola Panthers na tabla sa 2-1 record.

Tulad ng Gins, wala pa ring panalo ang Eric Menkless na Rhum Masters sa dalawang laro kaya’t mas pinapaborang manalo ang Realtors sa engkuwentrong ito.

Makakatapat ni Green ang eksplosibong import ng Red Bull na si Ray Tutt habang magkakasubukan din ng lakas sina Maurice Bell ng Tanduay at Joe Temple ng Realtors sa kanilang engkuwentro.

Samantala, ipaparada rin ng Pop Cola Panthers ang kanilang bagong import na si Cedric McCullough sa kanilang out-of-town game sa Legaspi City sa Sabado.

Makikilatis ang galing ni McCullough na papalit kay Sean Green, sa paki-kipagharap ng Pop Cola kontra sa Mobiline Phone Pals. (Ulat ni Carmela C. Ochoa)

Show comments