Darating ngayong gabi si Hussein kasama ang kanyang manager/trainer na si Jeff Fenech, sakay ng Qantas Airlines para sa kanyang pakikipaglaban kontra kay Pacquiao sa Sabado, October 14 sa Yñares Sports Center sa Anti-polo City.
"Gusto ko na talaga siyang makita, kasi yung tape na nakita ko, iba doon sa picture, kaya gusto ko sa personal ko na kaagad siya makakaharap," pahayag ni Pacquiao. "Siyempre, gusto ko na rin ipakita sa kanya na mababait tayong mga Pinoy, kaya ako mismo ang magwe-welcome sa kanya."
Ang laban na tinaguriang Encounter in Antipolo na promoted ng Elorde International Productions ni Gabriel Bebot Elorde ay suportado ng Rizal Provincial Governor Casimiro Yñares Jr., San Miguel Beer, PAGCOR at Elorde Sports Center.
Ang laban ay ipapalabas na bahagyang delayed sa IBC 13 sa alas-10:00 ng gabi sa Sabado.
Magkakasukatan ng lakas sina Pacquiao at Hussein gayundin ang mga maglalaban sa dalawang international fights sa undercard sa press preview sa Miyerkules sa Elorde gym.
"Mabigat ang labang ito. Maganda ang record ni Hussein at saka hindi naman talaga siya Australian, Lebanese talaga siya, kaya hindi ko alam kung anong klaseng boxer ang mga taga-Lebanon," ani Pacquiao.
Ang dalawa pang ibang international bouts ay katatampukan nina Manny Melchor laban kay Zarlit Rodrigo para sa WBC International minimum weight crown at Randy Mangubat laban kay Jong Wan Kim ng Korea para sa bakanteng flyweight title.
Ang mga tickets ay mabibili sa Yñares Center na may tel. no. 650-1239 at 696-1487; Rizal Provincial Capitol (635-3448); at Elorde Sports Center (829-9721/27 at 541-9398).