Tambalang Hingis-Kournikova nagbalik at namayagpag

FILDERSTADT, Germany-- Muling ibinalik nina Martina Hingis at Anna Kournikova ang kanilang tambalan na nagwakas noong nakaraang taon makaraang makakuha ng limang titulo, kabilang na ang Australian Open at Chase Championships at final ng French Open.

Tinalo ng tinaguriang ‘Glamor Girls’ ng tennis sina Nicole Arendt at Manon Bollegraf, 6-3, 6-2 sa $535,000 WTA Grand Prix.

"For our first match, it was not bad," ani Hingis na katulad ng kanyang ka-partner ay hindi nagsisisi sa hindi nila paglalaro sa Sydney Olympics.

Samantala, umabante sa ikalawang round ng Porsche Grand Prix si 5th seed Amanda Coetzer ng South Africa nang pabagsakin nito si Silvia Talaja ng Croatia, 6-4, 6-0.

Dinaig naman ni Cara Black ng Zimbabwe ang Austrian na si Barbara Schett, 7-5, 6-1, habang ang Swiss player na si Patty Schnyder ay namayani kay Romanian Ruxandra Dragomir, 6-3, 6-4.

Naging maganda ang simula ni Black nang ma-break nito sa love si Schett sa opening game at makipagkarera sa 5-2 abante. Ngunit pinayagan niya ang Austrian na makatabla sa kanilang laro sa 5-5. Hindi nagpabaya at muling naibalik ang porma para sa 6-5 at makuha ang unang set.

Show comments