Testigo, ‘nag-ambag’ sa P200K credit card bill ni Carpio
MANILA, Philippines — Isang testigo ng depensa ang naghayag nitong Huwebes na nag-ambag siya sa binayaran ni Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, para sa P200,000 bill sa credit card nito para sa kanilang pagkain sa Ginza, Tokyo, Japan.
Humarap sa impeachment court at nagbigay ng testimonya si Atty. Anel Antero, na sinasabing malapit na kaibigan ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.
Ayon kay Antero, kasama niya si Carpio at siyam pa nilang kaibigan nang kumain sila sa Ginza. Ginamit umano ni Carpio ang kanyang credit card upang bayaran ang bill.
Sinabi ni Antero na kalaunan ay binayaran niya si Carpio ng 40,000 Japanese yen o katumbas ng humigit-kumulang P16,000.
“Naalala ko po ang naging share ko po ay apat na lapad. That’s 40,000 Yen,” ani Antero sa direktang pagtatanong ni Lindon Bacquel.
“Sa pagkakaalam ko po, lahat naman po kami na contribute,” dagdag niya.
Sa cross-examination, tinanong ni private prosecutor Virgil Ligutan si Antero kung maaari siyang magpakita ng litrato bilang patunay na kasama siya sa 11 kataong kumain sa Ginza kasama si Carpio.
Pero sumagot naman si Antero, “wala po akong dalang photograph.”
Inamin ni Antero na tumatanggap siya ng kabayaran mula kay Carpio dahil nagtatrabaho siya sa law firm nito.
Gayunman, nang tanungin ni Ligutan kung nakatanggap siya ng mahigit P580,000 na remittance mula kay Carpio, batay sa mga rekord ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), hindi nagbigay ng tuwirang sagot si Antero.
- Latest















