P1.36 bilyong shabu mula Laos, nasabat sa Maynila

MANILA, Philippines — Nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Customs (BOC) at Philippine National Police (PNP) ang may 200 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.36 bilyon sa Manila International Container Port (MICP) sa North Harbor, Maynila.
Isinagawa ang operasyon noong Oktubre 15 matapos makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa kanilang mga katuwang sa Vietnam hinggil sa kahina-hinalang kargamento. Isinailalim ito sa X-ray inspection ng BOC na nagresulta sa pagkakadiskubre sa ilegal na droga.
Nasa 200 pakete ng hinihinalang shabu ang nakumpiska matapos matuklasang nakatago ang mga ito sa loob ng mga kartong idineklarang ordinaryong cardboard boxes. May mga butas sa gitnang bahagi ng mga kahon kung saan isiniksik ang droga upang maitago sa inspeksiyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, nagmula sa Laos ang shipment na dumaan muna sa Vietnam at Hong Kong bago ipadala sa Pilipinas.
Ayon kay PDEA Deputy Director General Renato Gumban, nakasaad sa dokumento na ihahatid ang kargamento sa isang address sa Buhay na Tubig, Imus, Cavite, ngunit bineberipika pa kung tunay ang naturang destinasyon.
Patuloy namang tinutukoy ng mga awtoridad ang shipper at consignee na nasa likod ng kargamento. Pinuri ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang palitan ng impormasyon at koordinasyon ng mga bansa sa Southeast Asia na naging susi sa pagkakasabat ng droga.
Binigyang-diin ni Remulla na nakatuon ang kampanya ng pamahalaan sa pagtukoy at pagpigil sa mga sindikato mula sa pinagmumulan ng ilegal na droga.
Samantala, sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na gumagamit ang ahensiya ng risk profiling upang matukoy ang mga kahina-hinalang kargamento batay sa bansang pinagmulan, shipper at rekord ng importer.
- Latest


















