SC: Senado at Kamara, pinagkokomento sa binagong voting threshold sa VP Sara trial

MANILA, Philippines — Binigyan ng Korte Suprema ang Senado at Kamara de Representantes ng hindi mapapalawig na limang araw upang maghain ng kani-kanilang komento sa petisyon nina Senators Robin Padilla at Bong Go na humihiling na ideklarang “null” ang ruling sa voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte.
Sa resolusyon noong Oktubre 14, pinagpapaliwanag ng SC ang impeachment court na kinakatawan nina Senate President Sherwin Gatchalian at Presiding Officer Francis Escudero, at ang Kamara na kinakatawan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at lead prosecutor Rep. Gerville Luistro sa non-extendible period na 5 araw.
Magugunita noong Setyembre 23, 2026, bumoto ang Senate impeachment court (13-1) para baguhin ang interpretasyon at gawing batayan sa two-thirds vote ang mga senador na legal at aktuwal na maaaring lumahok sa paglilitis (mula 16 na boto patungong 14 na boto kung may anim na hindi lumahok).
Nais ng mga petitioner na ibalik ito sa nakasanayang 16 na boto at humihiling din sila ng status quo ante order, temporary restraining order (TRO), o writ of preliminary injunction.
Sa petition for certiorari and prohibition, hiniling nina Padilla, Go at PDP-Laban sa SC na maglabas ng status quo ante order o temporary restraining order na nag-aatas sa impeachment court at Kamara na huwag i-exclude ang sinumang senador sa bilang ng “all members of the Senate” sa ilalim ng Konstitusyon.
- Latest















