Multimedia arts student 5 araw nang nawawala
MANILA, Philippines — Nagpasaklolo na sa mga awtoridad ang pamilya na 4th-year Multimedia Arts student na limang araw nang nawawala sa Taguig City.
Sa ulat, pinaghahanap si Mikaela Julian, 21, na nakita sa kuha ng CCTV alas-11:00 ng umaga ng Oktubre 24 na naglalakad sa kanilang lugar na nakasuot ng pink na shorts at pink T-shirt na may dalang itim na bag at payong.
Subalit kataka-taka umanong nakita sa bahay nito ang suot na tsinelas na nakunan ng CCTV na indikasyon na nakauwi ito ng bahay.
Pagsapit ng alas-8:00 ng gabi ay nagpadala pa umano ng text si Mikaela sa ina na low bat na ang cellphone niya at nasa BGC (Bonifacio Global City) lang siya at naglalakad-lakad. Ngunit nang tawagan ng ina ang cellphone ng biktima hindi na umano ito makontak. Maging sa kanyang ama, sinabi ni Mikaela sa text na huwag na raw tawagan dahil pauwi na siya, kaya naghintay na lang ang kanyang mga magulang.
Lumipas ang magdamag at walang Mikaela na umuwi kaya napilitan na silang i-report ang insidente sa Taguig City Police.
Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga kaibigan sa pamamagitan ng social media at sinilip ang emails subalit bigo na makakuha ng positibong resulta.
Nanawagan ang pamilya, sa pamamagitan ng kapatid na si Daniela:”I hope kung nasaan ka man ngayon, I hope safe ka, you’re with just a friend. Pero please bumalik ka na sa bahay natin kasi sobrang nag-aalala si mama at si papa.”
- Latest
















