^

Punto Mo

Paglaban sa katiwalian, huwag sukuan

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

MAHIGIT kalahati ng mga Pilipino o 52 porsyento ng 112.90 milyong populasyon ng Pilipinas ang naniniwalang wala na silang magagawa upang mapigil ang paglala ng katiwalian sa bansa. Ibig sabihin, halos 59 milyong Pilipino ang suko na sa paglaban sa kati­walian. Ayon ito sa nakaraang sarbey ng Social Weather Stations (SWS).

Pinakamarami sa mga nagtaas ng kamay ng pagsuko ay nasa Metro Manila, sapagkat umabot ng 64 porsyento ang sumang-ayon sa pangungusap na, ‘‘Ang isang taong katulad ko’y walang magagawang anuman para mabawasan ang katiwalian.’’ Sinusundan sila ng mga naninirahan sa iba pang panig ng Luzon, sa 55 porsyento.

Nagsagawa ang SWS ng katulad na sarbey noong Disyembre 2009 o 17 taon na ang lumipas. Magkatulad ang tanong, pero ang nagsabing wala na silang magagawa para pigilan ang katiwalian ay umabot lamang ng 41 porsyento. Tumaas nang malaki ang porsyento, at palagay ko’y patuloy na tataas at darami pa ang magsasabing, ‘‘Suko na kami.’’

Ang pagsukong ito’y katumbas ng ‘‘apathy,’’ o kawalan ng malasakit at pakialam sa mga nang­yayaring kaganapan sa paligid. Sa madaling salita, ‘‘deadma,’’ patay na ang damdamin sa nasasaksihang malawakang katiwalian, kung kaya’t pikit-matang tinatanggap na lamang kung ano ang nangyayari. Marami sa mga Pilipino ay napapabuntunghininga na lamang o dinadaan na lamang sa pagmumura ang nababalitang walang-takot na pagnanakaw ng matataas na lider ng bansa.

Kaya madaling maunawaan kung bakit sa kabila ng malinaw na mga ebidensya ng pandarambong ay popular pa rin ang mga mandarambong at nananalo pa rin sa mga eleksyon. Kasi nga, ang paniwala ng marami sa atin ay wala naman tayong magagawa para pigilan ang katiwalian. Tuluy-tuloy ang paglaganap ng katiwalian, sapagkat marami sa atin ay wala nang pakialam. Noon, ang ninanakaw sa gobyerno’y inilalagay lamang sa sobre o kahon, kasi, palibu-libo at pamilyun-milyon lang. Ngayon sa malalaking maleta na isinisilid, dahil pabilyun-bilyon na.

Ang sabi’y very resilient daw tayong mga Pilipino, nakababangon tayo nang mabilis mula sa ma­tinding pagbagsak. Pero ang pananahimik sa harap ng walang-kahihiyang pandarambong ay hindi na resiliency. Ito ang pinakamataas na kapahayagan ng karuwagan, kundi man ng kawalan ng konsensya.

Dahil alam ng mga tiwali na mas maraming Pilipino ang suko na sa paglaban sa katiwalian, hindi sila mangingiming gumawa ng mas marami pang katiwalian. Kung itong nangyayari sa ating katiwalian at pandarambong ay nangyari sa isa sa mga bansa sa Europa, baka sumiklab na ang kaguluhan na tulad ng nangyayari ngayon sa France.

Tila hindi umagaw ng malaking pansin ang resulta ng sarbey na ito ng SWS. Pero may malaki itong implikasyon sa ating kinabukasan bilang isang republika. Ang ibig sabihin ng republika ay pamamahala ng mga mamamayan sa pamamagitan ng mga inihalal na kinatawan. Paano kung ang mga mamamayan ay wala ng pakialam sa ginagawa ng kanilang kinatawan? Paano kung ang isinusulong ng kanilang mga kinatawan ay pansariling kapakanan, sa halip na kapakanan ng mga mamamayan?

Ito ang malaking problema ng resulta ng sarbey. Kung patuloy na darami ang bilang ng mga Pilipinong titigil sa paglaban sa katiwalian, mangangak na parang kabute ang mga tiwali. Ang ganitong pagsuko ay mangangahulugan ng pambansang pagpapatiwakal!

SOCIAL WEATHER STATIONS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with