Panganib sa AI glasses ‘di pa dama sa Pinas?
Puwede naman palang gumawa ng high-tech na salamin sa mata na walang kamera. Kamakailan ay isang bagong smart glass na walang kamera ang inilunsad ng Meta na isang kumpanyang may-ari ng Facebook at Instagram. Isang uri ito ng AI glasses na walang kamera at idinisenyo para sa pakikinig ng musika at podcast, pagtanggap ng tawag, pagsasalin ng wika at paggamit ng AI assistant. Kaabang-abang kung gagayahin ito ng ibang kumpanyang gumagawa at nagbebenta ng smart glasses.
Malaking isyu kasi sa smart glasses ang privacy. Mas mahirap para sa isang taong nasa paligid na malaman kung siya ay kinukuhanan ng litrato o video. Bastos at malaswa ang tingin ng ilan sa gadget na ito dahil maaari itong gamitin sa pamboboso—halimbawa, palihim na pagkuha ng litrato o video ng babae habang nagbibihis o naliligo o magkasintahan at mag-asawang nagtatalik. May mga reklamo at demanda na rin sa ibang bansa, tulad sa Amerika, na may kaugnayan sa paggamit ng smart glasses Kabilang sa mga alegasyon ang pagkakakuha ng sensitibong footage ng mga tao sa pribadong sitwasyon. Mga alegasyon pa lamang ang mga ito at hindi pa pinal na hatol ng korte.
Sa Oslo, Norway, ipinagbawal ang smart glasses sa mga paaralan. Sa England at Wales naman, ipinagbawal ang smart glasses sa loob ng mga gusali ng korte. Sa Australia, pinag-aaralan naman ng pamahalaan ang pagbabawal sa paggamit ng camera-equipped smart glasses sa mga lugar ng Commonwealth government. Hindi lamang privacy ang problema. May pangamba rin na magamit ang smart glasses sa pandaraya, gaya ng pagbibigay ng impormasyon sa gumagamit habang nasa pagsusulit o iba pang sitwasyong hindi pinapayagan ang ganitong tulong. Sa mga korte, may mga alalahanin din tungkol sa lihim na pagre-record ng mga paglilitis.
Sa Pilipinas, tila hindi pa mainit na usapin ang napakamahal pang smart glasses kahit unti-unti nang dumarami ang mga ito sa merkado. Ngunit maaaring magbago ang sitwasyon kapag bumaba ang presyo, dumami ang modelo at mas maraming tao ang gumamit nito.
Malaki naman ang pakinabang sa AI glasses. Ang problema ay kung paano ito gagamitin. Kaya habang pinag-uusapan ngayon ang epekto ng social media, video games at artificial intelligence lalo na sa mga kabataan, baka kailangan na rin nating paghandaan ang ibubunga nito sa ating lipunan. Wala kang kamalay-malay na, habang nananahimik ka, may taong kinukunan ka ng litrato o video. Hindi ka makakahalata dahil mukhang ordinaryong salamin sa mata ang kanyang suot.
•••••
Email – [email protected]
- Latest















