Quezon City LGU, nakapagtala ng 82% Resolution Rate
MANILA, Philippines — Ibinida ng Quezon City local government na 4,580 sa 5,589 ulat na isinumite ng mga QCitizen at iba pang user ay nalutas na at katumbas ito ng 82% resolution rate nitong August 31, 2026.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, naitala ang numero halos apat na buwan mula nang ilunsad ang QC iReport.
Sa ilalim ng pinakabagong digital reporting platform, mabibigyan ng pagkakataon ang mga residente na direkta at madaling ma-access na paraan na magsumite ng mga reklamo, concern, kahilingan, at katanungang hindi emergency.
Nakapagtala rin ang platform ng 99% response rate patunay na mabilis na umaksyon ang lokal na pamahalaan.
Ayon kay Belmonte, ang mga natitirang kaso na hindi pa nalulutas ay patuloy na inaaksyunan at maaaring mangailangan ng koordinasyon sa iba pang ahensya, inspeksyon sa lugar, pagkukumpuni, pagsasagawa ng construction work, o iba pang hakbang sa aktuwal na lugar bago tuluyang maisara ang mga ito.
Maaaring gamitin ang QC iReport sa pamamagitan ng QC e-Services at QCitizen mobile application at dito, maaaring magsumite ang mga user ng mga ulat, mag-upload ng mga larawan at iba pang kaugnay na impormasyon, at subaybayan ang status ng kanilang mga concern sa pamamagitan ng integrated tracking system.
Oras na maberipika ang sumbong, ipinapasa ito sa kaukulang tanggapan ng lungsod o kung kinakailangan sa mga pambansang ahensya ng pamahalaan, utility providers, telecommunications companies, at iba pang kinauukulang tanggapan para sa kaukulang aksyon.
- Latest




















