Panelo: SC,‘di papabor sa pagbaba ng boto vs VP Sara

MANILA, Philippines — “Kung sakaling sakaling umakyat sa Supreme Court ang usapin tungkol sa pagbabago ng bilang ng mga senador na dapat bumoto para ma-convict si Vice President Sara Duterte ay hindi ito kakatigan ng SC.”
Ito ang paniniwala ni dating chief presidential legal counsel at presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo na sa kasalukuyan ay kinakailangan na bumoto ng pabor ang 16 na senador upang tuluyang mapatalsik sa puwesto ang bise presidente.
Sa ika-23 araw ng impeachment trial, iginiit ni Senator-Judge Erwin Tulfo na dapat nang i-review ang “voting threshold” para sa impeachment trial dahil apat na senador ang hindi na nakakadalo sa trial na kinabibilangan nina Sens. Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta na parehong nakakulong, Loren Legarda na naka-medical leave at Ronald “Bato” Dela Rosa na nagtatago pa rin.
“Talo sila. Masyadong obvious.Ang lenguwahe kasi ng Constitution napaka klaro eh,” ani Panelo.
Hindi rin aniya kailangan ng interpretasyon kung ano ang isinasaad ng Konstitusyon.
Naniniwala rin si Panelo na hindi puwedeng ipatawag ng impeachment court bilang testigo si Duterte dahil nakasaad sa Konstitusyon na ang isang tao ay hindi maaaring tumestigo laban sa kanyang sarili.
Idinagdag din ni Panelo na sakaling bigyan ng pagkakataon na bumoto ang mga senador na hindi personal na nakadalo sa impeachment trial dahil nakakakulong o kaya ay naka-medical leave, puwede naman nilang basehan na lamang ang transcript ng trial.
- Latest

















