‘Good leads’ sa pinagtataguan ni Bato - NBI

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na may “good leads” sila sa kinaroroonan ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa at tamang pagkakataon na lamang ang kanilang hinihintay para arestuhin ito.
Ani Matibag sa Saturday News Forum sa Quezon City, sa patuloy na manhunt ay tiniyak niya na maaasahan ang kanilang leads na nakalap kaya hindi sila tumitigil sa pagsubaybay sa posibleng kinaroonan o lokasyon ng senador.
Hindi na idinetalye ni Matibag ang isinasagawang operasyon subalit tiniyak niya na nasa tamang direksyon sila at tamang pagkakataon na lamang ang hinihintay para sa pagdakip sa puganteng mambabatas.
Si Dela Rosa ay may nakabinbing warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) bilang co-perpetrator sa umano’y crimes against humanity sa war on drugs noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matagal na hindi nagpakita sa Senado si Dela Rosa nang maglabas ng arrest warrant ang ICC, na lumutang lamang noong Mayo upang makalahok sa pagtalaga sa Senate President na si Alan Peter Cayetano, at nakatakas din sa mga awtoridad matapos ang naging kontrobersiyal na shooting incidents.
- Latest


















