Bomb threat sa NU-MOA iniimbestigahan
MANILA, Philippines — Kinansela ang pang-umagang face-to-face classes sa National University-Mall of Asia (NU-MOA) matapos makatanggap ng bomb threat, sa Pasay City nitong Huwebes kaya nauwi sa remote synchronous learning para sa umagang klase at ibinalik sa face-to-face pagsapit ng ala-1:00 ng hapon.
Kinumpirma naman ni Pasay City Police Station chief, PCol. Joselito De Sesto na negatibo sa anumang uri ng bomba ang campus matapos ang clearing operation sa campus ng unibersidad.
Nagpasalamat naman ang pamunuan ng NU sa Pasay Police at Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang security inspection.
Ayon sa ulat, dakong alas-7:40 ng umaga ng Setyembre 3 nang i-report ang bomb threat sa nasabing eskwelahan kaya agad rumesponde ang Explosive Ordnance Division/K9 personnel at iba pang tauhan ng Pasay CPS, at BFP sa Coral Way.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang Pasay Police sa PNP Anti-Cybercrime Group para matukoy ang pagkakakilanlan ng nasa likod ng pagbabanta.
- Latest















