Eala, Stoiana magtutuos na sa US Open

MANILA, Philippines — Aarangkada na ang salpukan nina Alex Eala at American netter Mary Stoiana sa opening round ng US Open women’s singles na lalaruin sa Louis Armstrong Stadium sa USTA Billie Jean King Center sa Flushing Meadows, New York.
Magkukrus ang landas nina Eala at Stoiana sa alas-8:40 Martes ng gabi (alas-8:40 Miyerkules ng umaga sa Maynila).
Nasa No. 18 si Eala sa WTA rankings habang malayo si Stoiana na nasa No. 122 posisyon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na maghaharap sina Eala at Stoiana.
Una nang nagtagpo ang dalawa noong 2024 kung saan nanaig si Eala sa iskor na 7-5, 6-2 sa Round of 16 ng isang ITF event sa Amerika.
Ngunit ibang usapan na ang US Open na isang Grand Slam event.
Mataas ang moral ni Stoiana na galing sa tatlong sunod na panalo sa qualifying round para makahirit ng tiket sa main draw ng US Open.
Excited na rin si Stoiana na maglaro sa isang jampacked stadium dahil alam nitong dinudumog ang bawat laro ni Eala sa halos lahat ng torneong sinasalihan nito.
Sa kabilang banda, fresh na fresh si Eala na ilang araw din na nakapagpahinga para paghandaan ang kanyang pagbabalik sa US Open.
Sumalang lang sa ilang oras na ensayo si Eala kasama ang kanyang team kung saan tinutukan ito ni Toni Nadal ng Rafa Nadal Academy.
Ilang bagay ang inayos sa mga shots ni Eala kabilang na ang kanyang serve na binansagang fookelya serve.
Nais ni Eala na malampasan ang kanyang second-round finish noong nakaraang taon sa US Open.
Magiging kaakibat ni Eala sa kampanya nito sa US Open ang Pinoy fans na tiyak na daragsa sa venue para suportahan ito sa kanyang laban.
- Latest
















