5 ‘Acetylene Gang’ huli sa General Trias City

CAVITE, Philippines — Arestado ang limang pinaniniwalaang miyembro ng “Acetylene Gang” na responsable sa mga panghoholdap ng malalaking establisimyento sa buong Calabarzon, Linggo ng gabi sa Brgy. Biclatan. General Trias City.
Kinilala ang mga naarestong suspek sa mga alyas na “Jef”, 57, ng Brgy. Bab-asig, Quirino, Ilocos Sur; “Morris”, 54-anyos, residente ng Kenon Road, Brgy. Camp 7, Baguio City; “Crisanto”, 41-anyos, ng Brgy. Suagayan, Quirino, Ilocos Sur; “Sotiro”, 49-anyos, ng General Santos City, North Cotabato, at “Raymond”, 33-anyos, ng Quirino, Ilocos Sur.
Base sa report, alas-11:45 ng gabi nang makatanggap ng tip ang Gen. Trias City Police Sector 2 mula sa isang concerned citizen hinggil sa limang lalaki na armado ng maiiksing baril at umaaligid sa Crisanto M. delos Reyes Ave., sa Brgy Bilclatan, ng nasabing lungsod.
Agad rumesponde ang mga pulis sa lugar at dito naabutan ang isa sa mga suspek na pasakay na sana sa isang puting Ford Ranger na may plate number IAA 5565.
Nang sitahin ang suspek nakitang armado ng baril at nadatnan pa ang apat na kasamahan nito na may mga baril sa kotse. Nakumpiska rito ang isang 9mm pistol na may magazine at 15 bala, caliber 38 revolver na may 6-bala, 12-gauge shotgun na may anim na bala, 3 gramong marijuana at isang hand grenade.
- Latest


















