Death toll sa habagat, 32 katao na – OCD

MANILA, Philippines — Pumalo na sa 32 katao ang nasawi sa matinding epekto ng southwest monsoon o habagat sanhi ng matitinding pag-ulan na nagdulot ng landslide at mga pagbaha sa iba’t ibang panig ng bansa, ayon sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) nitong Sabado.
Sa update ng OCD, tumaas na rin sa 2.3 milyong pamilya o kabuuang 8-milyong katao ang naapektuhan ng habagat sa 10 rehiyon na kinabibilangan ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos (Region 1), Cagayan Valley (Region 2), Central Luzon (Region 3), National Capital Region (NCR), Calabarzon (Region 4A), Mimaropa (Region 4B), Bicol (Region 5), Western Visayas (Region 6), Eastern Visayas (Region 8 at Zamboanga Peninsula (Region 9).
Kabilang sa mga nasawi ay 15 kato sa Benguet, tig apat sa Rizal at Batangas, tig dalawa sa Occidental Mindoro at Caloocan City, tig isa sa La Union , Quezon, Oriental Mindoro at Negros Occidental habang ang isa pa ay beneberipika pa ng OCD.
Ang mga nasawi ay sanhi ng habagat at maging ng mga nakalipas na bagyong Luis, Maymay at Neneng na mga biktima ng landslides, pagkalunod, rockslides, nakuryente at nabagsakan ng punong kahoy.
Nasa 19 katao naman ang nasugatan habang tatlo pa ang nawawala mula sa Quezon City, Batangas at Manila.
Sa kasalukuyan, nasa 297 lugar ang nanatili pa ring lubog sa baha na mayorya ay sa Central Luzon habang 281 lugar naman ang namemeligro matapos na lumambot ang lupa. Naitala naman sa P6.11 bilyon ang pinsala sa imprastraktura habang P2.32 bilyon sa agrikultura.
Nakapamahagi na ang pamahalaan ng P1.65 bilyong ayuda partikular na ang relief goods sa mga naapektuhang pamilya.
- Latest




















