Trillanes handa nang tumestigo vs VP Sara
MANILA, Philippines — Nakahanda na si dating Senador Antonio Trillanes IV na tumestigo laban kay Vice President Sara Duterte sa impeachment trial.
Ito ang inihayag ni House prosecution panel member at Bicol Saro Partylist Rep Terry Ridon na iginiit na isang mahalagang testigo si Trillanes sa hindi maipaliwanag na kayamanan ni VP Sara.
“So siyempre, I think on the deck pa rin po si Sen. Trillanes to give testimony, but that will be decided on that future date kung tuloy po siya o hindi,” saad ni Ridon sa News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City nitong Sabado.
Kinumpirma ni Ridon na si Trillanes ay kabilang sa inilista ng prosekusyon sa mga potensiyal na testigo laban kay VP Sara bagaman kailangan pa ng pinal na desisyon ng prosecution team kung isasalang sa witness stand ang dating Senador.
“Kasama po siya roon sa mga inilista po ng mga testigo ng ating prosecution. I think siya rin po ay listang testigo ng defense. I have to confirm it again,” saad ni Ridon.
Si Trillanes ay una nang tumesigo sa House Committee on Justice noong Abril hinggil sa P2.04 bilyong dumaloy sa bank accounts ni VP Sara at ng amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte mula 2003 hanggang 2016. Base ito sa bank records na ibinigay kay Trillanes ng kaniyang source at ipina-eksamin nito sa mga kilalang accountants at financial experts.
Si VP Duterte ay nagdeklara lamang ng P88.5 milyon sa kaniyang 2024 Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN).
- Latest




















