Francine at Seth, ibabalik ang nalimutang pag-ibig

MANILA, Philippines — Magbabalik sa pagpapakilig ang tambalang FranSeth nina Francine Diaz at Seth Fedelin para sa kanilang bagong vertical romance serye na A Cake to Remember, na mapapanood simula Agosto 28 (Biyernes) sa iWant.
Ang A Cake to Remember ay ang pinakabagong Kapamilya project ng tambalan matapos nilang bumida sa 2025 serye na Sins of the Father. Kabilang din ang kanilang short romance serye sa lumalagong vertical drama lineup ng iWant, tampok ang The Chambermaid’s Daughter, Twist of Fate at Will You Fake Marry Me?
Sa direksyon ni Emerald Silvestre, iikot ang short serye kay Mandy (Francine), isang pastry chef na tatanggap ng bigating wedding cake order upang maisalba ang kanyang naluluging bakery. Ngunit laking gulat niya nang malaman na ang magiging groom ng kasalang iyon ay ang dati niyang fiancé na si Landon (Seth), ang mismong nang-iwan sa kanya sa altar.
Lingid kay Mandy, naaksidente si Landon ilang saglit bago ang kanilang kasal, dahilan upang siya ay hindi siputin at mawalan ng mga alaala tungkol sa kanya. Sa kabila nito, pipilitin ni Mandy na matandaan niyang muli ang kanilang pag-iibigan sa pamamagitan ng pagpapatikim ng mga cake na kanilang pinagsaluhan noon.
Mapapanood na sa iWant ang A Cake to Remember simula Agosto 28 para sa Part 1 episodes nito, habang aabangan naman sa Setyembre 4 (Biyernes) ang Part 2 nito. Libre ring mapapanood ang unang limang episode nito sa Facebook, TikTok at YouTube pages ng iWant at ABS-CBN Entertainment.
Samantala, takang-taka si Francine kung bakit maldita’t suplada ang label sa kanya gayung quiet type lang daw talaga siya.
“Siguro hanggang ngayon ‘yun pa rin kasi lagi akong nami-misinterpret for being quiet, na maldita, na hindi ako nakiki-mingle, especially when I’m exhausted from siguro the pressure and doing too much work,” banggit niya sa interview ng ABS-BN.
Actually, sinusubukan na raw niyang maging balance sa pakikitungo niya sa lahat. “Parang I’m finding ‘yung silver lining, kung saan ba ‘yung tamang timpla,” saad niya.
“Ayoko rin naman na parang maiilang sila when kasama nila ako kasi ganyan din ‘yung napi-feel ko. So, I think mas ganon. Kasi ayoko rin naman na ma-misinterpret nila ako and at the same time, I want to be present naman with everyone na I’m surrounded with,” dagdag pa niyang paliwanag.
- Latest



















