Jeep nag-counterflow: Lady rider inararo, dedo
MANILA, Philippines — Patay ang isang 43-anyos na babaeng rider nang araruhin ng nag-counterflow na pampasaherong dyip sa tapat ng sementeryo sa San Mateo, Rizal, Huwebes ng gabi.
Nabatid na naisugod pa sa ospital ang biktima subalit hindi na umabot nang buhay, na sinasabing naputulan ng kaliwang braso at nadurog umano ang paa dahil sa impact ng pagkabangga.
Pasado alas-6:00 ng gabi ng Agosto 20 nang maganap ang insidente sa bahagi ng General Luna Avenue, San Mateo sa tapat ng San Mateo Roman Catholic Cemetery.
Sa kuha ng CCTV, makikita ang dyip na nag-overtake, na sa bilis ng arangkada ay napunta sa opposite lane at inararo ang motorsiklo.
Base sa imbestigasyon, kalalabas lang ng garahe ng jeep at naghahabol ng pasahero kaya pilit na um-overtake sa mga sasakyan.
“Nag-overtake, nag-swerve sa inovertakan na sasakyan at hindi na niya nabawi kaya tuluy-tuloy siya sa kabilang lane at nabangga nga po itong biktima,” pahayag ni Patrolman Raymond Montojo, may hawak ng kaso.
Wasak ang harapang bahagi ng jeep at tumagas ang langis habang halos mayupi naman ang gate ng sementeryo.
Arestado ang 20-anyos na driver ng dyip na hindi naman nasugatan sa insidente.
- Latest





















