Marcos, dedma sa pagiging no.1 ni VP Sara sa survey
MANILA, Philippines — Hindi umano nag-aalala si Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa mga lumalabas na survey na nagpapakitang nananatili si Vice Pres. Sara Duterte bilang preference ng publiko sa 2028 presidential elections.
“I don’t change my decision because of the survey. I don’t change direction because of the survey. I take a decision because what I feel is the proper decision to make,” saad ng Pangulo sa presidential luncheon ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP).
Giit ng Pangulo, nagpapatupad siya ng isang polisya dahil naniniwala ito ang pinakamainam na polisiya at hindi sinasaalang-alang ang desisyon sa survey dahil hindi naman aniya nito natutukoy kung tama o mali ang kanyang ginagawa at ginagawa ng kanyang administrasyon.
Samantala, sinabi rin ng Pangulong Marcos na maaga pa para mag-endorso ng kandidato para sa 2028 presidential elections at tiniyak na kukuha ng “best possible candidate” para kanyang i-endorso.
Subalit sa ngayon ay tanging isang tao lang ang hayagang nagpapakita ng interes na tumakbo na tila si Vice President Duterte ang tinutukoy.
Aminado naman si Marcos na marami pang kaganapang pampulitika ang maaaring mangyari bago ang 2028 national elections sa kabila ng mga survey na nagpapakita kung sino ang nais ng publiko.
- Latest















