Solar streetlights, ipinamahagi sa Isabela
ILAGAN CITY, Philippines — Namahagi ang lokal na pamahalaan ng mga solar streetlights sa ilang liblib na barangay sa Isabela bilang bahagi ng programa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na layong matulungan ang mga komunidad sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.
Sa ilalim ng programa, bawat barangay ay makatatanggap din ng P200,000 na hahatiin sa dalawang bahagi. P100,000 ang ilalaan bilang suporta sa limang iskolar na malapit nang magtapos, habang ang natitirang P100,000 ay ipagkakatiwala sa lokal na pamahalaan para sa mga proyektong makatutugon sa pangangailangan ng komunidad.
Ayon kay Isabela Gov. Rodito Albano, ang mga solar streetlight na ipinamahagi sa mga barangay ng Cabagan, Delfin Albano, Reina Mercedes at San Pablo ay magbibigay ng ilaw gamit ang renewable energy, partikular sa mga komunidad na limitado ang streetlights.
Hinimok naman ni Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National President Jessica Dy ang mga lokal na barangay na gamitin ang pondo sa mga proyektong higit na kailangan ng kanilang komunidad upang maramdaman ng mga residente ang mga benepisyo ng programa. — Artemio A. Dumlao, trainees Paolo Tutisura, Czalette Tibayan, John Feliciano
- Latest


















