Bonoan ihaharap sa Revilla trial sa Sandigan - PNP

MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na dadalhin nila sa Sandiganbayan si dating Public Works Secretary Manuel Bonoan para tumestigo sa paglilitis sa dating senador na si Bong Revilla sa Miyerkules, Agosto 12.
Ang paniniyak ay ginawa ni PNP chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. kasunod ng kanyang kautusan sa PNP Health Service na makipag-ugnayan sa anti-graft court upang matiyak ang pagharap ni Bonoan sa pagdinig.
Naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng subpoena noong Agosto 7 na ipinadala sa PNP General Hospital, kung saan kasalukuyang nasa hospital arrest ang 80-anyos na si Bonoan.
Ayon sa PNP, ginagamot si Bonoan dahil sa diabetes, hypertension, chronic kidney disease, at iba pang kondisyon. Pinayagan siyang manatili sa hospital arrest dahil sa kanyang edad at kalagayan.
Una siyang dinala sa PNP General Hospital noong Hunyo 1 matapos sumuko kasunod ng paglabas ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y anomalya sa flood control projects.
Inaasahang magbibigay ng testimonya si Bonoan laban kay Revilla kaugnay ng kasong kinakaharap nito sa Sandiganbayan.
Tiniyak ni Nartatez na bibigyan si Bonoan ng kinakailangang medical at security support sa pagmakikipag-ugnayan ang PNP sa mga court authorities at concerned police units para sa maayos na pagpapatupad ng subpoena.
- Latest

















