EDITORYAL — Baha, muling pinamukha ang maanomalyang flood control projects
HANGGA’T may mga nangyayaring pagbaha at pagguho ng lupa, laging babalik ang usapan sa maanomalyang flood control projects sa buong bansa.
Nang bumaha noong Sabado at Linggo sa maraming lugar sa Metro Manila at mga probinsiya, daming nabuhay ang poot sa dibdib at sinisi ang pinagkaperahang flood control projects ng pamahalaan.
Sa Marikina, umabot sa second alarm ang ilog at napilitang lumikas ang mga residente. Ayon sa ulat, hindi umano gumana ang Tumana Pumping Station kaya hindi agad nailabas ang tubig-baha patungo sa Pasig River. Kung ito ay totoo, malinaw ang aral: kahit may imprastraktura, wala itong silbi kung hindi ito gumagana sa oras ng pangangailangan.
Sa Cainta, Rizal, lumubog sa baha ang ilang subdibisyon na rati ay hindi naman binabaha. Sa Parañaque City, may mga kalsadang hindi madaanan dahil malalim ang baha. May mga subdibisyon doon at mall na kailangang sipsipin ng DPWH ang tubig baha para mabilis na humupa.
Pero ang pinakamabigat ay ang sitwasyon sa Bulacan, kung saan nasa 200 flood control projects ang nakabinbin sa ilalim ng DPWH Bulacan First District Engineering Office. Nasa mga lugar na ito matagal nang binabaha at apektado ng high tide—Hagonoy, Calumpit, Malolos, Paombong, Plaridel, Pulilan, at iba pang bayan. Ang ilan ay natigil dahil sa isinasagawang imbestigasyon sa umano’y flood control scandal.
Ngunit hindi rin dapat maging kapalit ng imbestigasyon ang kawalan ng aksiyon.
Kapag huminto ang mahahalagang proyekto nang walang malinaw at malinis na paraan ng pagpapatuloy, ang publiko ang doble ang pinapasan. Una, nawawala ang pondong dapat sana’y proteksiyon nila. Ikalawa, mas tumitindi ang pagbaha dahil naatrasado ang mga solusyon.
Hindi puwedeng maging dahilan ang imbestigasyon para hindi na kumilos ang gobyerno. Dapat pabilisin ang pagsusuri at pagtutuwid ng mga proyekto, habang hinahabol nang buong lakas ang mga taong nagpasasa sa pondo ng bayan.
Panahon na para managot ang mga kumita sa kikbak, mag-audit nang lantaran, at pondohan ang mga bagong proyektong hindi hardiflex ang laman kundi katotohanan.
Ang bawat pisong ninakaw sa flood control ay isang buhay ang maaaring lumubog sa baha. Panahon na para singilin ang mga magnanakaw. Kawawang mamamayan ang nagdurusa sa kanilang katakawan. Tapusin na ang pagkagahaman ng mga taong walang kabusugan sa pera ng taumbayan.
- Latest















