5 kabaong ikinalat sa Metro Manila

May nakasulat na anti-China, CPP-NPA…
MANILA, Philippines — Limang kabaong na may mga mensahe kontra sa China,Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang ipinakalat sa iba’t ibang lugar Metro Manila nitong Biyernes ng alas-2:00 hanggang alas-4:00 ng madaling araw.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO) natagpuan ang limang kabaong sa Santa Cruz, Maynila; Brgy. 54 sa Caloocan City; Brgy. South Triangle at Brgy. Santa Teresita sa Quezon City; at sa kahabaan ng Gil Puyat Avenue sa Makati City.
Sinabi ng NCRPO na sadyang iniwan ang mga kabaong ng mga nakamaskarang lalaki at babae na sakay ng mga puti at abuhing van.
Sa kabaong na natagpuan sa Welcome Rotonda, makikita ang mga larawan nina Chinese President Xi Jinping, Chinese Foreign Minister Wang Yi at Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan. Sa labas at loob mga kabaong kung saan may nakasulat “Greedy Salot” habang ang iba ay may nakasulat na indikasyong kontra sa CPP-NPA.
Nanawagan ang NCRPO sa publiko na maging kalmado at huwag ipakalat ang hindi beripikadong impormasyon, bagkus ay ireport kagaad ang anumang kaduda-dudang aktibidad o impormasyon sa kalapit na istasyon ng pulisya.
Patuloy na iniimbestigahan ng NCRPO ang insidente upang papanagutin ang mga nasa likod nito na naghasik ng takot sa mga motorista at residente.
- Latest


















