QCLGU ginawang simple ang pagkakabit ng solar panel
MANILA, Philippines — Upang mapababa ang gastos sa kuryente, makalipat sa paggamit ng malinis na enerhiya, at makatulong sa pagbuo ng isang mas sustainable city ay ginawang simple ng Quezon City government ang pagkakabit ng rooftop solar panels sa mga bahay, condominiums, at commercial establishments.
Ayon kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, maaaring magpakabit ng rooftop solar panels ang mga QCitizen sa pamamagitan ng QC Helpline 122, kung saan makakakuha sila ng libreng gabay mula sa mga eksperto.
Sa pamamagitan ng Helpline 122, maaari nang makakuha ang mga QCitizen ng libreng teknikal na gabay mula sa mga lisensyadong electrical engineer ng City Engineering Department bago mamuhunan sa isang solar energy system.
Sa simpleng pag-dial sa 122, maaaring kumonsulta ang mga residente at may-ari ng negosyo sa mga lisensyadong electrical engineer hinggil sa tamang laki ng solar panel system batay sa kanilang konsumo sa kuryente, technical requirements para sa ligtas at epektibong installation, accredited solar service providers na nasa listahan ng Department of Energy, at permit requirements sa pamamagitan ng Department of the Building Official.
Ayon kay Belmonte, layunin ng inisyatibong ito na alisin ang isa sa pinakamalalaking hadlang sa paggamit ng solar energy sa pamamagitan ng pagbibigay sa bawat QCitizen ng madaling access sa maaasahan at ekspertong payo.
- Latest
















