Readytoriskitall nagdomina sa Head to Head PHILRACOM race
MANILA, Philippines — Bumilib ang mga karerista sa ipinakitang tikas ng Readytoriskitall matapos nitong sikwatin ang panalo sa “Head to Head” (1 on 1) Win Event (7&9) - PHILRACOM Rating Based Handicapping System na nilarga sa pista ng Philippine Jockey Club sa Padre Garcia, Batangas noong Linggo ng hapon.
Humangos na lumabas ng aparato ang matulin sa largahan na Mishani Storm para hawakan ang bandera sa kaagahan ng karera, subalit kinapitan agad ito ng Miss Pantherlot kaya naging mainit ang labanan sa unahan.
Sa kalagitnaan ng karera ay patuloy ang lutsahan sa unahan ng Mishani Storm at Miss Pantherlot habang lumalapit sa kanila ang Readytoriskitall na ginagabayan ni former Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce.
Papalapit ng far turn ay tangan pa rin ng Mishani Storm ang unahan pero ang Readytoriskitall na ang nasa segundo habang naupos sa tersero puwesto ang Miss Pantherlot.
Ayaw bumitaw ng Mishani Storm sa pagkapit sa unahan hanggang sa rektahan pero nasilayan ng mga karerista ang husay ng Readytoriskitall dahil bigla nitong iniwanan ang katunggali sa huling 150 metro ng karera.
Tinawid ng Readytoriskitall ang meta ng may pitong kabayo ang agwat sa pumangalawang Mishani Storm sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM), pangatlo ang Complaisance habang pang-apat ang Deep Dawn.
Nirehistro ng Readytoriskitall ang tiyempong 1:39.2 minuto sa 1,650 meter race sapat upang hamigin ng winning horse owner na si Patrick Chua Uy ang P35,000 added prize.
- Latest





















