Legarda, Leviste kakasuhan ng plunder sa Ombudsman sa solar projects
MANILA, Philippines — Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na magsasampa ang kanyang tanggapan ng kasong plunder at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kina Batangas Rep. Leandro Leviste at Sen. Loren Legarda. Ang paghahain ng mga kaso ay bahagi ng isasagawang preliminary investigation kaugnay ng umano’y isyu sa pagmamay-ari at operasyon ng solar company ni Leviste.
Ayon sa Ombudsman, ibinatay ang hakbang sa naging pahayag ng Department of Energy (DOE) na nabigong makapaghatid ng suplay ng kuryente ang Solar Philippines Power Project Holdings Inc., na itinatag ni Leviste, sa loob ng itinakdang panahon sa ilalim ng mga kasunduan nito.
Dahil dito, kinansela ng DOE ang mga kontrata ng Solar Philippines at pinatawan umano ito ng multang aabot sa P24 bilyon. Noong Enero, sinabi ni Leviste na makatutulong ang kanyang kumpanya sa pagtugon sa kakulangan ng suplay ng kuryente sa bansa.
Ang Solar Para sa Bayan Corporation (SPBC), isa sa mga kumpanyang nasa ilalim ng Solar Philippines ay binigyan ng 25-taong prangkisa sa ilalim ng Republic Act No. 11357 para sa pagtatayo ng solar microgrids. Iginiit naman ni Leviste na ang pamahalaan ang dahilan kung bakit hindi naipatayo ng kanyang kumpanya ang mga nakaplanong solar energy infrastructure sa bansa.
- Latest




















