Babaeng may tattoo kinatay, isinilid sa maleta!
Inanod sa estero sa Taguig
MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit ng isang babae matapos na matagpuang patay at nakasilid sa isang asul na maleta sa isang creek sa Taguig City nitong Biyernes ng hapon.
Ayon kay Taguig City Police chief Colonel Julius Anonuevo, may isang saksak sa katawan ang biktima na tinatayang nasa edad 30-40 na ang bangkay ay nababalutan ng kumot at garbage bag at nakasilid sa isang malaking maleta nang matagpuan ng mga naglilinis ng estero.
Isang miyembro ng Taguig Flood Control ang humatak sa isang itim na malaking garbage bag na humaharang sa daluyan ng tubig sa estero alas-12:30 ng hapon ng Hulyo 24, sa Purok 5, Barangay Tanyag. Hindi umano dumadaloy ang tubig ulan kaya may pagbaha sa lugar kaya sinilip ang estero na may nakaharang na malaking bagay. Nasorpresa sila nang tumambad mula sa asul na suitcase ang nakabalot sa plastic bag na katawan ng babae, na nakasuot ng blue shorts na itim na printed blouse, may tattoo.
Isang barangay tanod ang nagwasak ng patung-patong na balot na mga kumot, sako at garbage bag kaya natagalan bago lumantad ang katawan ng babae.
Sa pahayag naman ni P/Capt. Melvin Garcia ng Taguig City Police, posibleng inanod lang ang maleta mula sa Laguna Bay, mula sa nakalipas na malakas na pag-ulan ng Huwebes ng gabi.
Nangangamoy na ang katawan ng babae na hinihinalang may 2-3 araw nang patay, at kitang-kita ang malaking tattoo na may disenyong dilaw na araw na may silahis na pula at asul, may sulat na “walter, at may iba pang tribal tattoo.
- Latest















