Tropang 5G ligwak sa Giant Risers

MANILA, Philippines — Tinapos ng Titan Ultra ang tatlong sunod na kamalasan matapos putulin ang koneksyon ng nagdedepensang TNT Tropang 5G, 103-87, sa PBA Season 50 Governors’ Cup kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Humakot si import Tirrell Brown ng 29 points, 10 rebounds, 5 assists at 3 steals para sa 1-3 record ng Giant Risers sa Group A.
Nag-ambag sina Joshua Munzon, Jerrick Balanza at Bryan Sajonia ng tig-13 markers para sa tropa ni coach Rensy Bajar.
“Tsi-nallenge ko iyong mga players ko to commit number one on defense. Because in our first three games that we played, especially in our last game against NLEX, talagang nagkaroon kami ng masamang depensa,” ani Bajar.
Bigo ang TNT, nakahugot kay import Darius Days ng 21 points, na masundan ang 106-103 panalo sa guest team Macau Giant Pandas sa kanilang unang laro noong Linggo.
Wala ulit sa aksyon sina injured Jayson Castro (knee), Calvin Oftana (calf), Poy Erram (knee) at Brandon Ganuelas-Rosser (sprained ankle) habang bumalik si Kelly Williams sa Amerika.
Matapos kunin ng TNT ang 31-27 abante sa first period tampok ang tatlong three-point shots ni Days ay umarangkada ang Titan Ultra para itayo ang 60-48 abante sa pagbubukas ng third quarter.
Nakalapit ang Tropang 5G sa 55-62 sa likod ni Days bago muling kumawala ang Giant Risers para itarak ang isang 16-point lead, 77-61, galing sa four-point shot ni Bryan Sajonia sa huling 2:28 minuto ng yugto.
Isinara ng Titan Ultra ang third period bitbit ang 80-64 kalamangan.
Tuluyan nang isinuko ni coach Chot Reyes ang laban ng TNT sa kanyang pagkakasibak sa laro dahil sa ikalawang technical foul sa 9:29 minuto ng final canto kung saan nabaon sila sa 66-84.
- Latest























