Nolasco, miner bumida sa panalo ng Zus Coffee

MANILA, Philippines — Pumalo sina middle blocker Zam Nolasco at AC Miner ng tig-15 points para tulungan ang ZUS Coffee sa 25-11, 25-23, 26-28, 25-17 demolisyon sa Akari sa pagbubukas ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) On Tour kahapon sa Capital Arena sa Ilagan City, Isabela.
Nagdagdag si dating Farm Fresh spiker Jolina dela Cruz ng 12 points at 13 excellent receptions at may 11 markers si veteran Rachel Anne Daquis para sa 1-0 baraha ng Thunderbelles.
Bagama’t bagong salta sa tropa ng kanyang St. Benilde Lady Blazers coach na si Jerry Yee ay hindi naman nahirapang makisama si Nolasco.
“Sobrang gaan lang din kasi sila makasama sa loob ng court, which is naging helpful din siya sa akin as a rookie din po sa team,” ani Nolasco. “Mababait po kasi iyong mga ates and iyong mga coaches familiar din kami sa programs, sa system, wala rin masyadong adjustment para sa akin.”
Tumipa si setter Cloanne Mondoñedo ng 21 excellent sets at may 10 digs si Kate Santiago para sa kanilang floor defense.
Bumanat si Eli Soyud ng 16 points mula sa 14 attacks at dalawang service aces sa panig ng Chargers habang may siyam at walong marka sina Ivy Lacsina, Chenie Tagaod, Jamaica Villena at Nicole Ancheta, ayon sa pagkakasunod.
Hindi ginamit ang bagong mukhang si Risa Sato, isang 10-time PVL middle blocker champion ng Creamline.
Itinayo ng ZUS Coffee ang 2-0 bentahe sa laro bago nakahirit ang Akari sa third set, 28-26, sa likod nina Soyud, Lacsina at Tagaod para makaiwas sa sweep.
Kaagad itinayo ng ZUS ang 6-0 bentahe na kanilang naprotektahan hanggang tuluyan nang tapusin ang laro sa 25-17.
Pupuntiryahin ng ZUS Coffee ang ikalawang sunod na panalo sa pagsagupa sa Choco Mucho Flying Titans sa Sabado sa Batangas City.
- Latest





















