Mister pinugutan ng kapitbahay, ulo tinangay!
MANILA, Philippines — Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang 59-anyos na mister makaraang pugutan ng ulo ng kanyang kapitbahay dahil sa sinasabing alitan sa lupa sa Brgy. Mauswagon, Godod, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Sa report, sinabi ni Police Regional Office (PRO) 9 Spokesperson P/Major Shallamie Chang, nangyari ang insidente sa nasabing lugar matapos na sugurin ng 29-anyos na suspect ang biktima.
Ayon kay Chang, ang insidente ay nasaksihan pa ng ilang kapitbahay, pero sa matinding takot dahil may hawak na mahabang bagong hasang itak ang suspect ay hindi na nila nagawa pang umawat.
Ang biktima ay pinagtataga ng suspect sa ulo hanggang sa tuluyang mapugot ang ulo nito.
“Yung pagkataga sa kanya ay sa leeg na nag-cause ng pagtanggal ng ulo. According naman sa witness doon sa area na nung after ng pagtaga,” saad ni Chang.
Bago ang karumal-dumal na pagpatay, nagkaroon umano nang matinding pagtatalo sa pagitan ng suspect at biktima. Pagtalikod ng biktima ay rito na siya biglang pinagtataga ng suspek.
Hindi pa nakuntento ang suspect na kinuha pa ang ulo ng biktima at dinala malapit sa bahay nito.
Ang bangkay ng pugot ang ulong biktima ay narekober ng mga awtoridad may ilang metro mula sa bahay ng suspect.
Matapos ang ilang oras, boluntaryong sumuko sa pulisya ang suspect na nahaharap sa kasong murder.
Alitan sa lupa ang pangunahing motibo ng krimen na iniimbestigahan ng mga awtoridad.
- Latest


















