Sara team nais alisin SALN bilang ebidensiya
Palasyo: Bakit?
MANILA, Philippines — Kinuwestyon ng Malakanyang ang pagtatangka ng kampo ni Vice Pres. Sara Duterte na huwag isama ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN sa mga ebidensyang ihaharap sa paglilitis ng kanyang impeachment.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, ang naturang mga dokumento ay dapat na maging pangunahing bahagi ng kanyang depensa laban sa mga paratang na hindi maipaliwanag na yaman.
Giit ni Castro na sesentro ang alegasyon tungkol sa hindi maipaliwanag na yaman at kung aalisin ng depensa ang SALN bilang ebidensya, hihina ang anumang pahayag na walang itinatago si VP Sara.
Nilinaw naman ng Malakanyang na hindi ito makikialam sa proseso ng impeachment sa Senado at hindi rin magkokomento sa mga detalye ng kaso ni Duterte.
Ang Bise Presidente ay nahaharap sa apat na artikulo ng impeachment kabilang dito ang akusasyong nagkamal siya ng yaman na higit pa sa kanyang sweldo bilang opisyal ng pamahalaan at hindi nakadeklara sa kanyang SALN.
Naniniwala pa si Castro na kung aalisin ito, paano maipapaliwanag ni VP Duterte na siya ay tama at malinis at walang itinatagong yaman.
Ang naturang hakbang ay ginawa ng mga abogado ng Bise Presidente sa pre-trial briefing sa Senate impeachment court noong Hunyo 15.
- Latest
























