PSC kay Baldwin: ‘Konting respeto at pakikipagkapwa naman’
MANILA, Philippines — Nanawagan si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick “Pato” Gregorio kay Ateneo de Manila University head coach Tab Baldwin na magsalita na matapos ang trahedyang naganap sa Aurora na ikinasawi ng players na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Sa isang statement, sinabi ni Gregorio na kailangan ni Baldwin na ipaliwanag sa publiko kung ano nangyari sa team building ng Blue Eagles na ginanap sa Dipaculao.
Ayon kay Gregorio, isa nang national concern ang nangyari kaya’t kailangan nitong magsalita para maliwanagan ang lahat.
“Where is Tab Baldwin? Why is he still not speaking up? This is beyond Ateneo. This is a national concern. Out of respect for the family and the Filipino people, he has to come forward,” ani Gregorio sa kanyang statement.
Nagulantang ang lahat nang pumutok ang balita kung saan nasawi sina Baterbonia at Adili sa kasagsagan ng team building ng Blue Eagles sa Aurora.
“He has been here for 10 years. I don’t understand why he can’t understand our culture--konting respeto at pakikipagkapwa naman,” ani Gregorio.
Dumalaw ang ilang players ng Ateneo Blue Eagles men’s basketball team sa burol ni Baterbonia sa Arlington Memorial Chapel sa Quezon City noong Miyerkules.
Kasama ring bumisita ang ilang opisyales ng Ateneo at mga miyembro ng coaching staff.
Kabilang dito si Ateneo’s representative to the UAAP Board of Managing Directors Em Fernandez at sina coaches Sandy Arespoachaga at Louie Alas.
Hindi nila kasama si Baldwin sa pagbista.
Nakiramay ang mga players at coaches sa pamilya ni Baterbonia na patuloy na naghahanap ng sagot sa kanilang mga katanungan.
Nagluluksa ang sports community sa pagpanaw nina Baterbonia at Adili.
- Latest



















