Baterbonia, isasailalim sa autopsy
CCTV footage nakuha na
MANILA, Philippines — Nakatakdang isailalim sa otopsiya ang bangkay ni Ateneo basketball player Rene Clert Baterbonia habang si Divine Adili ay ibibiyahe pabalik sa kaniyang bansa sa Nigeria.
Si Baterbonia, 19 at Nigerian teammate nito na si Adili, 21 ay nasawi matapos na malunod sa team building ng Ateneo Blue Eagles sa isang pribadong resort sa Dipaculao, Aurora noong Hunyo 8 ng hapon.
Ayon sa Ateneo, hiniling ng mga magulang ni Baterbonia na maisailalim sa otopsiya ang bangkay nito kaya nakipagkoordinasyon na sila sa National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group sa bagay na ito.
Ang labi nina Baterbonia ay Adili ay inilipat mula sa Aurora Memorial Hospital kung saan idineklara ang mga itong dead-on-arrival patungo sa Arlington Memorial Chapels and Crematory sa Quezon City noong Martes kung saan ang mga magulang ni Baterbonia at kapatid na lalaki na galing pa sa Davao City ay sinalubong ni Ateneo President Fr. Roberto Yap na ipinagdasal ang mga biktima at ipinaabot ang taos pusong pakikiramay.
Habang ang bangkay naman ng dayuhang atleta na si Adili ay hiniling ng pamilya nito na ibiyahe sa kanilang bansa sa Nigeria.
Nakuha na ng mga tauhan ng Aurora Provincial Police Office (PPO) ang CCTV footage sa mga video na kuha sa resort, mga rescuers, at lokal disaster response office kaugnay ng pagkamatay nina Baterbonia at Adili na isasailalim sa forensic examination.
- Latest















