Magdyowa nag-umbagan: Babae todas!
CAVITE, Philippines — Patay sa bugbog ng kinakasama ang isang babae matapos na magtalo habang nag-iinuman sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Poblacion 1, Gen. Mariano Alvarez Cavite, kahapon ng madaling araw.
Wala nang buhay nang madiskubre ng kanyang kamag-anak ang biktima na kinilala sa alyas “Chelzie”, nasa hustong gulang, habang tumakas ang salarin na kinilala sa alyas Richard.
Base sa ulat, alas-12:50 ng madaling araw nang matagpuan ang babaeng biktima na patay na sa loob ng kanilang katahan.
Bago ang insidente, nag-inuman pa umano ang mag-live-in partner sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa mga kapitbahay, narinig umano nila na nagtatalo ang dalawa at nagsisigawan hanggang sa makarinig na rin sila ng malalakas na kalabog.
Minuto lamang nang makita nilang nagmamadaling lumabas ng bahay ang suspek.
Pagpasok umano ng pinsan ng biktima, dito na bumulaga sa kanya ang nakahandusay na biktima at duguan. Agad itinakbo sa pagamutan ang ginang subalit hindi na naisalba pa ang buhay nito.
Tinutugis na ng pulisya ang tumakas na suspek.
- Latest

















