Binata namamaril ng ibon; nabaril sarili

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 22 anyos na binata makaraan ‘di umanong aksidente nitong mabaril ang sarili habang namamaril ng ibon sa kabundukan ng Mt. Buhuan Brgy Talispungo Maragondon Cavite. Dead-on-the-spot ang biktima na kinilalang si Larry, 22 anyos, binata, residente ng Brgy Una ng nasabing lugar.
Base sa ulat, Huwebes ng madaling araw ng mamaril ng ibon ang biktima kasama ang mga kaibigan nito sa nasabing kagubatan na sina alyas “Jay” at “Mark.” Naghiwa-hiwalay umano ang mga magkakaibigan upang makarami ng huli ng ibon.
Ayon kay Mark, nakarinig umano ito ng 4 na sunud sunod na putok ng baril mula sa kinaroroonan ng biktima. Segundo lamang umano ay nagsisigaw na ang biktima at nanghingi ng tulong. Nang makita ng dalawa ang biktima, nakahandusay na ito at duguan. Agad itong itinakbo sa pagamutan subalit idineklarang dead-on-arrival na. Tumanggi na ang pamilya ng biktima na isailalim pa sa masusing imbestigasyon ang pagkamatay ng biktima.
Ayon sa mga ito, kumbinsido na umano sila na walang naganap na foul play sa pagkamatay ng biktima.
- Latest



















