Philta kasangga ni Eala sa laban

MANILA, Philippines — Kaliwa’t kanan ang opinyon na nagsulputan matapos ang sunud-sunod na kabiguan ni Alex Eala sa mga international tournaments nito.
Kabilang na rito ang maagang pagkakasibak sa singles at doubles ng Wuhan Open sa China.
Ngunit nanindigan ang Philippine Tennis Association (Philta) na buo ang suporta nito kay Eala matapos ang kabi-kabilang opinyon na lumalabas sa social media.
Ayon kay Philta Secretary General John Rey Tiangco, si Eala ang nagdala sa Pilipinas sa world map ng tennis matapos ang kanyang matikas na kampanya sa mga nakalipas na torneo.
“Alex Eala has already achieved what many once thought impossible. She has single-handedly put the Philippines on the world tennis map,” ani Tiangco.
Ilan dito ang matikas na panalo ni Eala sa mga world class players gaya nina 2025 Wimbledon champion Iga Swiatek ng Poland at world No. 1 Elena Rybakina ng Kazakhstan.
Today, conversations about international tennis include Alex Eala and the Philippines. That alone is a remarkable achievement,” ani Tiangco.
Kasama pa rito ang pagkopo ni Eala ng kauna-unahang WTA title nang magreyna ito sa Mubadala DC Open sa Washington DC.
Kasalukuyan itong No. 19 sa WTA rankings kung saan naabot nito ang career-high na No. 18.
Pinakamalaking desisyon pa ni Eala ang katawanin ang bansa sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan sa halip na lumaro sa Beijing Open na isang mandatory event ng WTA.
Isinugal ni Eala ang paglalaro sa Asian Games para lamang makatulong sa kampanya ng Team Philippines sa kabila ng nakaambang penalty ng WTA.
Nagpasalamat ang Philta sa patuloy na pagdadala ng karangalan sa bansa ni Eala.
Iginiit ng asosasyon na hindi ito titigil sa pagsuporta sa Pinay netter manalo man o matalo ito sa kanyang mga laban.
- Latest























