Carlo susuntok sa quarters; Petecio sibak

MANILA, Philippines — Sumampa si Pinoy boxer Carlo Paalam sa semifinal round para makatiyak ng bronze medal, habang talsik si Nesthy Petecio sa quarterfinals sa boxing competition ng 20th Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan.
Kinuha ni Paalam ang isang split decision win laban kay Jiamao Zhang ng China papasok sa semis ng men’s 55-kilogram division kahapon sa Nishio gymnasium.
Ang nasabing panalo ang sumiguro sa pagkopo ng 2020 Tokyo Olympics silver medalist sa bronze sa kanyang pag-abante sa semis.
“Ang ginawa ko lang dito is ‘yung normal ko lang na ginagawa. Makinig sa mga coaches ko. Pag tinamaan ako, ibabalik ko ng mas malinis. Inisip ko na ‘wag magmadali, kinokontrol ko lang yung emosyon ko. So, diskarte sa ibabaw ng ring talaga ‘yung nagpanalo din talaga sa akin,” ani Paalam.
Lalabanan ng 28-anyos na tubong Talakag, Bukidnon para sa finals spot si 2025 world champion Makhmud Sabyrkhan ng Kazakhstan.
Samantala, minalas si Petecio, isa ring silver medal winner sa Tokyo Olympics, na makatiyak ng tanso matapos ang 0-5 kabiguan kay Chinese Yang Chengyu, 0-5, sa quarterfinals ng women’s 60kg category.
Muling nabigo ang 34-anyos na si Petecio, bronze medalist sa 2024 Paris Olympics, na masuntok ang kanyang kauna-unahan sanang Asiad medal.
Una nang napatalsik sa medal round ang pambato ng Santa Cruz, Davao del Sur sa 2014 (Incheon), 2018 (Palembang) at 2022 (Hangzhou) edition ng quadrennial event.
Inaasahang ito na rin ang huling Asiad appearance ni Petecio na wagi ng ginto sa Southeast Asian Games noong 2019 (Manila) at 2023 (Cambodia).
- Latest


















