Adamson mainit agad sa unity cup

MANILA, Philippines — Napalaban ng todo ang Adamson University bago nila naitumba ang Lyceum of the Philippines University, 29-27, 25-21, 25-18, sa 2026 Shakey’s Super League (SSL) Unity Cup, na nilaro sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, kahapon.
Nakitaan ng determinasyon at katatagan ang Lady Falcons para maka-una ng panalo sa unang dalawang sets laban sa Pirates at sa huling frame ay bahagyang naging suwabe ang takbo ng laro para tapusin ang laban sa ikatlong set.
May 1-0 karta ang Adamson sa Pool D sa event na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Peri-Peri Charcoal Chicken, Potato Corner at R&B Milk Tea.
Nagtala si Joy Aseo ng walong puntos kasama ang anim na kills at tig-isang block at service ace habang bumakas sina Red Bascon, Abegail Segui at Third Tuddao ng tig-seven points.
Kumana rin si Frances Mordi ng six points at tig-lima sina Janna Dizon at Kamille Dionisio para sa Lady Falcons kaya nabigyan ng pagkakataon ang pambato nilang si Shaina Nitura na makapag-pahinga.
Napalaban si Nitura nang maglaro ito sa Alas Pilipinas sa Aichi-Nagoya Asian Games.
“Bad start talaga sa aming lahat and alam namin sa sarili namin ‘yun. Habang nasa labas (ng court) nag-reflect kaming lahat. Isang adjustment rin namin ay maging alive and mag-smile sa game,” pahayag ni Tuddao.
Mabagal ang simula ng Adamson sa unang set at napilitang humabol, nakaligtas ang Lady Falcons sa tatlong set point bago nagpakawala ng ace si Mordi upang iakyat ang Adamson sa puwesto, 25-24.
Nalagay sa alanganin ang Adamson dahil sa dalawang magkasunod na pagkakamali ni Aseo, kaya nakuha ng Lyceum ang set point advantage, 27-26.
Subalit naging matatag ang Adamson, sinamantala nila ang kritikal na service error ni Ashley Muchillas.
Tinapos ng Falcons ang set sa pamamagitan ng isang off-speed hit mula kay Mordi na sinundan agad ng isang kill ni Aseo.
- Latest

























