Iran isusunod ng Gilas

MANILA, Philippines — Matapos mahulog sa apat na sunod na kamalasan ay puntirya ng Gilas Pilipinas ang ikalawang dikti na panalo sa pagsagupa sa Iran sa second round ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers Window 4.
Lalabanan ng mga Pinoy cagers ang mga Iranians ngayong alas-8 ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagmula ang Gilas Pilipinas sa isang dramatikong 82-81 overtime win kontra Jordan kung saan isinalpak ni Kevin Quiambao ang krusyal na three-point shot sa huling 11.7 segundo ng laro.
Ang supalpal ni 7-foot-3 Kai Sotto kay Abdullah Olajuwon ng Jordan ang kumumpleto sa nasabing come-from-behind victory ng tropa ni coach Tim Cone na nakabangon mula sa 8-26 pagkakabaon sa first period.
Nagawa ito lahat ng Nationals na wala si injured naturalized player Justin Brownlee.
“It was tough not having Justin,” ani Cone kay Brownlee na na nagrerekober sa kanyang hamstring at leg injuries. “Justin is my comfort blanket. I put him on, and I’ve been doing it for 10, 11 years, and not to have him, I felt very exposed.”
Ang panalo ang nagtaas sa baraha ng Gilas Pilipinas sa 3-4 sa Group E sa ilalim ng Australia (7-0), New Zealand (5-2), Iran (5-2) at Jordan (5-2) kasunod ang Syria (2-5).
“I keep telling the guys, the job is only half done. We came in here with two do-or-die games. We got one done, now we gotta go out and get another one,” bilin ni Cone sa kanyang tropa.
Ang top three teams sa bawat grupo at ang best fourth-placed team ang maglalaro sa 2027 FIBA World Cup.
Bukod kina Quiambao at Sotto, muli ring aasahan ni Cone sa pagsagupa sa Iran sina CJ Perez, Dwight Ramos, AJ Edu, Scottie Thompson, Juan Gomez de Liano at June Mar Fajardo.
- Latest























