Bacoor nagpalakas sa 'twice-to-beat' sa MPVA
MANILA, Philippines — Pinalakas ng Bacoor ang tsansa sa “twice-to-beat” bonus matapos walisin ang WCC Marikina, 25-10, 25-14, 25-19, sa 2024 Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) kamakalawa ng gabi sa Bacoor Strike Gym sa Cavite.
Pinaganda ng Strikers ang kanilang baraha sa 11-3 para solohin ang second spot sa MPVA na itinatag ni dating Senator at MPBL chairman Manny Pacquiao.
Nauna nang tinalo ng Bacoor ang sibak nang Valenzuela Classy, 25-14, 25-18, 25-22, para kumpletuhin ang Final Four cast kasama ang Quezon Tangerines (14-1), Rizal St. Gerrard Charity Foundation (10-4) at Biñan Tatak Gel (10-5).
Napasakamay ng Tangerines ang unang “twice-to-beat” incentive matapos ang 25-19, 25-14, 25-19 dominasyon sa San Juan.
Muling pinamunuan ni Cyrille Alemeniana ang Strikers sa kanyang 13 points mula sa 11 hits at dalawang aces.
Nagdagdag sina Winnie Bedania at Daizerlyn Joyce Uy ng tig-11 markers kasunod ang walong puntos ni Jemalyn Menor para sa pagligpit sa talsik nang Lady Shoemasters (0-14).
Pumalo si Bien Elaine Juanillo ng 11 points para sa Marikina.
Samantala, naglista si Mary Grace Borromeo ng 14 points at may tig-siyam na marka sina Rhea Mae Densing at Francis Mycah Go sa panalo ng Quezon sa San Juan sa nine-team MPVA na suportado ng Extreme One-Stop Shop Appliances, Asics, Mikasa at Gerflor kasama ang MPTV at Outcomm bilang broadcast partners.
Sa iba pang laro, itinakas ng Valenzuela ang 25-21, 8-25, 25-20, 25-14 panalo laban sa ICC Negros.
Nagposte si Abegail Nuval ng 12 markers kasunod ang 10 points ni Lilet Mabbayad para sa 3-11 marka ng Classy.
Humataw si Andrea Caparal ng 15 points para sa Negros (4-11) sa MPVA na inorganisa ng Volleyball Masters of the Philippines.
- Latest